Thursday, April 28, 2011

Ang pag-ibig, parang pagsakay lang yan ng Bus.

Pag sasakay ka, syempre mamimili ka. Titingnan mo kung alin yung maganda, yung mukhang mabilis, yung matino. At pag may natripan ka nang sakyan na bus, dapat parahin mo. Hindi naman manghuhula yung driver na gusto mo palang sumakay. Kasi pag di mo pinara, syempre malamang lampasan ka lang nun.

Pag pinara mo naman at huminto, dapat tingnan mo muna kung puno na ba o hindi pa. Mas gusto mo yung hindi pa puno, yung maluwag pa at malaya kang makakapili kung saan mo gusto maupo. Pero pag nakita mong puno na, nasa sayo na yung desisyon. Kung ok lang sayo na nakatayo at nahihirapan, eh di sige. Choice mo naman yan eh. Wag ka nga lang sasakay at mag-aangal na nakatayo ka. Kasalanan mo yan, ginusto mo yan. Nakita mo nang puno, sumakay ka pa rin.

Magalit ka kung sumakay ka kasi sinabi ng kundoktor na maluwag pa at makakaupo ka. May mga ganun talaga. Manloloko. Mapanlinlang. Paasa. Sa loob mo nalang malalaman na wala ka na palang mauupuan. Tapos aandar na yung bus at wala ka nang choice.

At pag nasa loob ka na, nakatayo at nahihirapan, saka mo maiisip: Bakit mo ba pinagpilitan yung sarili mo sa bus na ‘to? Bakit ka nagtitiis na nakatayo samantalang pareho lang naman kayo ng binayad nung mga kumportableng nakaupo? Bakit ba kasi nagmadali kang sumakay? Akala mo last bus na ‘to? Na mapag-iiwanan ka pag di ka sumakay?

Ang badtrip lang eh yung habang nag-eemote ka, pagtingin mo sa bintana, may kasunod lang pala yung bus na sinakyan mo. Mas maganda, mas maluwag, mas mabilis, mas mukhang kumportable yung mga nakasakay. Ngayon magsisisi ka kung bakit ka nagmadali, kung bakit ka nagpadalos-dalos. Kung bakit ka nagpauto at bakit ka ngayon nagtitiis.

May darating naman pala. Yun nga lang, kailangan ng konting tiyaga. Konting paghihintay.

No comments:

Post a Comment